X: Hanggang kailan ba natin gagawin to?
Y: Hanggang gusto natin. Hanggang masaya tayo. hanggang di nabibisto.
Hanggang kailan nga ba? Hanggang kailan ka kakapit sa isang walang pinagpakuang pangako? Hanggang kailan mo hahayaang masaktan ka? Hanggang kailan mo hahayaang maging huli ka sa prayoridad nya? Hanggang kailan mo hahayaang naka-iskedyul ang kaligayahan mo? Para kang manikang de susi, para kang laruang sasakyang de remote control. Sya ang may hawak ng control, kung kailan nya gusto umandar ka, saka ka lang maliligayahan. Kapag binitawan nya ang remote control dahil napagod na syang maglaro, maiiwan kang nakatengga hanggang sa maisipan nya uli na balikan ka at laruin. Hanggang kailan mo hahayaan ang sarili mong maging palipasan? Palipasan ng panglaw, pagkabagot at kawalan ng opsyon sa mga piling panahon sa buhay nya.
Para saan ang pagtitiis? Para ba sa kakaunting oras na iniaatang nya sayo? Sa kapirasong ngiti na paminsan-minsang kumukurba sa iyong mga labi dahil sa biglaan nyang pagdating, sa biglaang pagpaparamdam, pagbibigay aliw. Kuntento ka na ba dun? Kailan ka tunay na liligaya?
Hindi ka ba napapagod maghintay? Hindi ka ba napapagod sa kakatingin sa labas ng gate ng bahay mo? Umaasa na sa mga susunod na minuto ay matatanglawan mong nasa may tarangkahan mo na sya at binibuksan ang gate papunta sayo. Palagian kang may nakahandang pagkain, baka sakaling dumating sya, may maihahain ka agad sa kanya. Pero mas madalas na lumalamig lamang ang pagkain na inihanda mo, tulad mo, naghihintay lang din.. naghihintay sa wala..
Hanggang kailan pa?
No comments:
Post a Comment